Higit pa sa kaibigan ang turing ng iskolar na si Kenneth Bailey kay Uncle Zaki. Nagsilbing gabay si Uncle Zaki ni Kenneth at ng kanyang grupo nang minsang magpunta sila sa disyerto ng Sahara. Ipinakita nila ang pagtitiwala kay Uncle Zaki sa pamamagitan ng pagsunod sa kanya. Hindi nila alam ang daan at kung mawala man sila, tiyak na mamamatay sila. Nagtiwala sila nang lubusan sa pangunguna ni Uncle Zaki.
Hindi naman sa tao nagtiwala si Haring David noong nakaranas siya ng matinding kabalisahan at pagkabigo. Ang Dios na kanyang pinaglilingkuran ang pinagkatiwalaan niya na magbibigay sa kanya ng direksiyon. Mababasa natin sa Salmo 61:2, “Mula sa dulo ng mundo, tumatawag ako sa Inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa. Dalhin N’yo ako sa lugar na ligtas sa panganib.” Inaasam ni David ang kaligtasan at kapahingahang alam niyang tanging ang Dios lamang ang makapagbibigay (Tal. 3-4).
Makikita naman natin sa Biblia na higit na kailangan ng mga taong tila mga tupang naligaw ang paggabay ng Dios (Isaias 53:6). Para talaga tayong mga naligaw at walang pag-asa kung mag-isang tatahakin ang buhay sa mundo. Pero hindi tayo hinayaang mag-isa. Mayroon tayong Pastol na gagabay sa atin “patungo sa tahimik na batisan” at magbibigay sa atin ng bagong kalakasan (Salmo 23:2-3).
Saan mo kailangan ang paggabay ng Dios sa sitwasyon mo ngayon? Tumawag ka sa Kanya. Hindi ka Niya iiwan.