Tinanggal ng guwardiya ang tape na nakadikit sa pinto. Paulit-ulit itong dumidikit kaya hindi sumasara ang pintuan. Nang inspeksyunin niya ang pinto, muli na namang nakadikit ang tape na tinanggal na niya. Agad siyang tumawag sa pulis sa napansin niya. Dahil dito, naaresto ang limang magnanakaw.
Nagtatrabaho ang nasabing guwardiya sa gusali ng Watergate sa Washington D. C. Himpilan ito ng isang grupong pampulitika sa Amerika. Nadiskubre ng guwardiya ang isang masamang gawain dahil sa ginawa niya nang maayos ang kanyang trabaho.
Sa Biblia, naatasan din si Nehemias ng isang mabigat na gawain para muling mabuo ang pader sa paligid ng Jerusalem. Ginawa niya nang maayos ang trabaho niya. Nang malapit ng matapos ang gawain, niyaya siyang makipagkita ng mga kalaban nila na isa palang masamang patibong (Nehemias 6:1-2). Pero mas mahalaga kay Nehemias na magawa nang maayos ang trabaho niya. Sinabi niya, “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon, kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring itigil ang paggawa para lang pumunta riyan” (Tal. 3).
Hindi isang pamosong karakter si Nehemias tulad ng mga mandirigma, manunulat, propeta, o hari na mababasa natin sa Biblia. Isa siyang tagapagtimpla ng alak ng hari at naging isang karpintero. Pero naniniwala si Nehemias na ang ginagawa niya ay isang mahalagang gawain para sa Dios. Nawa’y magtrabaho rin tayo nang maayos at may galak sa mga puso natin sa tulong ng Dios.