Makikita ang mga magagandang bulaklak at mga puno matapos tabasin ang mga masusukal na lupain sa Philadelphia. Nakatulong ito sa kalusugan ng isip ng mga naninirahan doon. Napatunayan na nakakatulong ito lalo na sa mga hirap sa kanilang buhay.
Ayon kay Dr. Eugenia South, “Marami nang mga pag-aaral ang nagsasabi na nakatutulong para magkaroon ng malusog na pag-iisip ang pagtingin sa mga luntiang puno at halaman. Mahalaga ito lalo na sa mga lugar na matindi ang dinaranas na kawalang pag-asa dahil sa kahirapan.” Isang propesor sa Medisina si Dr. South at kabilang siya sa mga may-akda sa pag-aaral tungkol dito.
Nagkaroon naman ng pag-asa ang bayang Israel at Juda dahil sa ipinahayag ni Isaias tungkol sa gagawing pagbabago ng Dios. Kahit pa may mga nasabi si Propeta Isaias tungkol sa paghatol ng Dios, binanggit din niya ang isang pangako ng Dios, “Ang disyerto ay matutuwa na parang tao. Mamumulaklak ang mga halaman dito. Aawit at sisigaw ito sa tuwa, at mamumukadkad ang maraming bulaklak nito” (Isaias 35:1-2).
Ano man ang dinaranas natin ngayon, may kasiyahan pa rin tayo dahil sa mga pamamaraan ng Dios upang bigyan tayo ng pag-asa at kasama na rito ang pag-asang dulot ng mga nilikha Niya. Sa tuwing nanghihina at nalulumbay tayo, ang Kanyang kaluwalhatian ang magpapalakas sa atin. Tulad ng sinabi ni Isaias, “Inyong palakasin ang mahihinang kamay, at patatagin ang mahihinang tuhod” (Tal. 3 ABAB). Nagbibigay ng pag-asa ang mga luntiang halaman at puno. Nagkakaloob din sa atin ang Dios ng pag-asa.