Malapit sa puso namin ang bayaw kong si Gerrits kahit napakalayo ng tirahan niya sa amin. Mabuti ang kanyang puso at mahusay siyang magpatawa. Madalas naman siyang biruin ng mga kapatid niya na siya ang paborito ng kanilang ina. Ilang taon na ang nakakaraan, binigyan pa nila si Gerrits ng t-shirt na may tatak na, “Ako ang Paborito ni Nanay.” Kahit na nasisiyahan kami sa biro nilang ito, ang pagkakaroon ng paborito ay isang seryosong bagay.
Sa Genesis 37, mababasa natin ang kuwento ni Jacob na nagbigay ng magandang damit sa anak niyang si Jose na nagpapakita na mas mahal niya ito kaysa sa iba niyang mga anak (Tal. 3). Hindi man tahasang sabihin ni Jacob, ang damit na iyon ang nagpapatunay na paborito niya si Jose.
Hindi maganda ang maidudulot sa pamilya ng pagkakaroon ng paborito. Si Jacob naman ay paborito ng kanyang inang si Rebeka. Dahil dito, nagkaroon ng alitan ang magkapatid na Jacob at Esau (25:28). Nagpatuloy ang ganitong sistema nang mag-asawa si Jacob. Mas minahal ni Jacob ang asawa niyang si Raquel (ina ni Jose) kaysa kay Lea. Dahil dito nagkaroon din ng alitan ang magkapatid na Raquel at Lea at nagdulot ng pighati kay Lea (29:30-31). Hindi na kataka-taka na maging ganoon din ang epekto nito sa mga kapatid ni Jose. Binalak pa nilang patayin si Jose dahil sa kanilang galit sa kanya (37:18).
Nawa’y maging maingat tayo sa pakikitungo sa ating mga mahal sa buhay. Iwasan nating magtangi ng tao. Sa halip, tratuhin natin ang bawat isa nang pantay-pantay. Mahalin natin ang lahat gaya ng pagmamahal ng Dios sa atin (Juan 13:34).