Pumila ang apo ko sa linya para makasakay sa roller coaster. Tiningnan niya sa sukatan kung sapat na ang tangkad niya para makasakay siya. Masaya ang apo ko nang makitang lampas na siya sa itinakdang taas para makasakay dito.
Sa buhay, tila magagawa natin ang lahat kapag malaki na tayo. Hinihintay nating makaabot sa hustong edad para makapagmaneho, makaboto, at makapag-asawa. Tulad ng apo ko, nais nating tumanda agad.
Noong panahon ng Bagong Tipan, bagamat iniibig ang mga bata, hindi sila masyadong pinahahalagahan. Nagkakaroon lamang sila ng halaga sa lipunan kapag “lumaki na sila” at nakatutulong na sa tahanan at nakakapasok na sa sinagoga. Pero iba ang pananaw ni Jesus. Tinanggap Niya nang buong lugod ang mga mahihirap, maysakit, at pati na ang mga bata. Mababasa natin sa Mateo, Marcos at Lucas na dinadala ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak kay Jesus para patungan ng kamay Niya at pagpalain (Mateo 19:13; Marcos 10:16).
Pinigilan naman ng mga alagad ni Jesus ang mga magulang na dalhin ang mga bata sa Kanya pero “ikinagalit” ito ni Jesus (Marcos 10:14). Tinanggap Niya nang may galak ang mga bata. Para kay Jesus, mahalaga ang mga bata sa Kanyang kaharian. Sinabi rin Niya na maging tulad tayo ng mga bata na may kababaang loob at palaging umaasa sa Panginoon (Lucas 18:17). Ang pagiging tulad ng bata na lubos na nagtitiwala sa Dios ang siyang maglalapit sa atin sa pag-ibig ng Dios.