Itinuturing na halos 100 porsyentong ginto ang 24 karat na ginto. Pero mahirap matamo ang porsyentong ito. Dalawang proseso ang pwedeng gawin para maging puro ang ginto. Mabilis at mura ang pagdadalisay ng ginto gamit ang prosesong Miller. Pero ang resulta nito ay 99.95% lang na ginto. Mas matagal at mas mahal naman ang prosesong Wohlwill. Gayon pa man, 99.99% puro lang ang magiging resulta nito.
Noong unang panahon, ginagamit ang apoy para dalisayin ang ginto. Pinapalutang ng init ng apoy ang mga dumi mula sa ginto para mabilis itong tanggalin. Sumulat naman si Apostol Pedro sa mga sumasampalataya kay Jesus sa Asya Minor.
Binanggit niya rito ang pagkakatulad ng pagdadalisay ng ginto sa mga ibinubunga ng pagsubok sa buhay ng mga mananampalataya. Pinarurusahan ng mga Romano ang mga nagtitiwala sa Dios dahil sa kanilang pananampalataya pero pinalakas ni Pedro ang kanilang loob. Sinabi niya na ang mga pagsubok na ito ang sukatan ng kanilang tapat na pananampalataya kay Cristo (1 Pedro 1:7).
Marahil, nakakaranas ka ngayon ng matitinding pagsubok na tila ipinapadaan ka rin sa apoy. Pero ginagamit ng Dios ang mga pagsubok na ito para mas tumatag ang ating pananampalataya sa Kanya. Sa tuwing nakararanas tayo ng pagsubok, nananalangin tayo sa Dios upang pawiin na Niya agad ang mga ito pero alam Niya ang makabubuti para sa atin. Nalalaman Niya na kahit nahihirapan tayo sa mga pagsubok, ito ang magpapatibay sa atin. Patuloy tayong tumawag sa ating Tagapagligtas. Siya ang magbibigay sa atin ng kaaliwan at kapayapaan.