Matatagpuan ang lungsod ng Texarkana sa pagitan ng Texas at Arkansas. May 70,000 naninirahan sa lungsod na ito. Mayroon itong 2 mayor, 2 konseho, 2 departamento ng pulis at bumbero. Dahil nahahati ito sa dalawa, hindi naiiwasan ang kompetisyon at hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila. Gayon pa man, kilala ang lungsod sa pagkakaisa. Nagsasalusalo ang mga residente roon taun-taon sa State Line Avenue upang ipagdiwang ang kanilang pagkakaisa bilang isang komunidad.
Hindi man nahahati ang Corinto tulad sa Texarkana, may hidwaan sa pagitan ng mga mananampalataya roon. Nagtatalo sila dahil magkakaiba ang kanilang pinapanigan sa mga nagtuturo sa kanila tungkol kay Jesus na sina Pablo, Apolos at Cefas (Pedro). Hinimok naman sila ni Pablo na magkaisa sila sa “isip at layunin” (1 Corinto 1:10). Ipinaalala rin niya sa kanila na si Cristo ang nagbayad sa krus ng kanilang mga kasalanan, at hindi ang mga tagapagturo nila.
Ganito rin ang ginagawa natin sa panahon ngayon. Nakikipagtalo tayo minsan sa mga kapwa natin mananampalataya. Sa halip na maging magkakakampi tayo dahil sa ating pananampalataya, nagiging magkakalaban tayo. Nais ng Panginoong Jesus na magkaroon tayo ng pagkakaisa.
Bilang mga kinatawan Niya sa mundong ito, hindi natin dapat hinahayaan ang ating mga pagkakaiba na maging dahilan para maghati-hati tayo. Sa halip, ipagdiwang natin ang pagkakaisa natin sa Dios.