Tatlong daang mga bata ang nasa hapag kainan at handa nang kumain matapos manalangin. Pero walang pagkain! Agad na nanalangin ang direktor ng ampunan na si George Mueller (1805-1898). Isa na naman itong pagkakataon para masaksihan ang katapatan ng Dios. Matapos manalangin ni George, kumatok ang isang panadero sa ampunan. Sinabi niya na hindi siya nakatulog buong gabi.
Tila may bumubulong sa kanya na kailangan ng ampunan ng tinapay. Binigyan niya ng tinapay ang mga bata. Ilang saglit lang, dumating naman ang taga-rasyon ng gatas sa lugar nila. Nasira ang kariton nito sa tapat ng ampunan. Dahil ayaw niyang mapanis ang gatas, ibinigay niya ito kay George.
Normal sa atin ang makaranas ng pagkabalisa sa tuwing nagkukulang ang mga pangangailangan natin-pagkain, tirahan, kalusugan, pera, kaibigan. Ipinapaalala sa atin sa aklat ng 1 Hari 17:8-16 na kumikilos ang Dios sa pamamagitan ng mga hindi inaasahang kaparaanan. Kahit na nangangailangan ang babaeng biyuda, siya ang ginamit ng Dios para tulungan si Elias (Tal. 12). Bago iyon ay ginamit ng Dios ang isang uwak para bigyan ng pagkain si Elias (Tal. 4-6).
Nakasanayan naman nating gumawa ng sariling paraan para punuan ang mga kailangan natin. Pero dapat nating alalahanin na nangako ang Dios na ipagkakaloob ang ating mga pangangailangan. Bago pa man tayo maghanap ng solusyon, nawa’y matutunan nating tumawag muna sa Kanya. Hindi tayo mabibigo at hindi masasayang ang ating oras at lakas kung tayo’y lalapit sa Kanya.