Napansin ng isang babae na paulit-ulit ang itinuturo na sermon ng pastor sa kanilang simbahan. Kaya tinanong niya ang pastor, “Bakit po paulit-ulit na lamang ang sermon na itinuturo ninyo?” Ang sagot naman ng pastor, “Dahil madali tayong makalimot.”
Marami nga tayong nakakalimutan agad. Nakakalimutan natin ang ating password o kung saan natin ipinarada ang ating sasakyan. Malimit na idinadahilan natin na tumatanda na kasi tayo o marami tayong ginagawa.
Tama ang sinabi ng pastor. Madali talaga tayong makalimot. Kaya naman, kailangang may magpaalala sa atin ng kabutihang ginawa ng Dios. May ganito ring ugali ang mga Israelita. Sa kabila ng maraming himalang ginawa ng Dios para sa kanila, kailangan pa ring ipaalala sa kanila na hindi sila pababayaan ng Dios. Ipinaalala sa kanila ng Dios sa Deutoronomio 8 kung paano sila binigyan ng Dios ng pagkain at tubig sa disyerto sa loob ng 40 taon. Hindi naluma ang kanilang mga damit. Ginabayan din sila ng Dios sa nakakatakot na disyerto na may mga makamandag na ahas at mga alakdan. Ginawa ito ng Panginoon para magpakumbaba sila at matutunang umasa sa Dios sa bawat araw (T. 2-4, 15-18).
Tunay na mabuti’t laging tapat kailanman ang Panginoon (Salmo 100:5). Tuwing nakakalimutan natin ang kabutihan ng Dios, alalahanin natin ang mga panalangin nating dininig Niya. Ipaaalala sa atin ng mga ito ang kabutihan at katapatan Niya sa Kanyang mga pangako.