Nang nililibot namin ng asawa ko ang lugar ng Wyoming, natagpuan namin ang isang sunflower sa gitna ng mabato at tuyong lugar. Kasama nitong tumutubo ang mga talahib at mga matitinik na mga halaman. Hindi man singlaki ng mga sunflower na kadalasan kong nakikita ang bulaklak na iyon, matingkad ang kulay nito. Nagbigay ito ng galak sa akin.
Maihahalintulad ang buhay natin sa bulaklak sa gitna ng tuyong lupa. Kahit pa sa mga nagtitiwala kay Jesus, may pagkakataong tila tuyo, madilim, at walang sigla ang buhay natin. Ang mga hinaharap nating mga pagsubok ay tila wala nang katapusan. Dahil dito, dumadaing din tayo tulad ni David, “Panginoon, dinggin N’yo at sagutin ang aking panalangin sapagkat ako’y naghihirap at nangangailangan” (Salmo 86:1). Tulad ni David, naghahanap din tayo ng liwanag at kaligayahan (Tal. 4).
Ngunit ipinahayag din naman ni David na ang Dios na pinaglilingkuran natin ay tapat (Tal. 11), “nagmamalasakit at mahabagin” (Tal. 15), at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa Kanya (Tal. 5). Sumasagot ang Dios sa panahon ng kagipitan (Tal.7).
Sa gitna ng dilim, nagpapadala ang Dios ng liwanag, tulad ng bulaklak. Halimbawa nito ay mga salitang nagpapatibay ng loob, at mga talatang mula sa Biblia. Nakakatulong ang mga ito para lumakas ang loob natin at magkaroon ng pag-asa. Habang hinihintay natin ang pagtugon ng Dios, samahan natin si David na ipahayag sa Dios na “Makapangyarihan Kayo at mga gawa N’yo ay kahanga-hanga. Kayo ang nag-iisang Dios” (Tal. 10).