“Inaalagaan ko siya. Masaya ako kapag masaya siya.” Ito ang sabi ni Stella tungkol sa kanyang asawang si Merle. Ang sagot naman ni Merle, “Masaya ako kapag kasama ko siya.” 79 na taon nang kasal ang mag-asawa. Nang dinala si Merle kamakailan lang sa isang lugar kung saan inaalagaan ang mga matatanda, lubos siyang nalungkot kaya inuwi na lamang siya ni Stella. 101 na taon si Merle at 95 naman si Stella. Sa kabila ng edad ni Stella, taos-puso niyang inalagaan ang kanyang asawa.
Ang pagsasama nina Stella at Merle ay halimbawa ng mababasa sa Genesis kung saan sinabi ng Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa Ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya” (2:18). Walang anumang nilikha ang nararapat na maging kasama ni Adan. Si Eva lamang na kinuha mula sa tadyang nito ang nararapat na makasama niya (Tal. 19-24).
Si Eva nga ang perpektong makakasama ni Adan at mula sa kanila ay natatag ang seremonya ng pagkakasal. Hindi lamang ito itinatag para sa kapakanan nilang dalawa kundi para sa pagbuo ng pamilya. Para rin may mangalaga sa mga nilikha ng Dios at kasama na roon ang mga tao (1:28).
Nabuo ang komunidad mula sa unang pamilyang iyon upang walang sinuman ang mag-iisa, bata man o matanda. Bilang isang komunidad, binigyan tayo ng Dios ng pribilehiyo na magtulungan sa pasanin ng bawat isa (Galacia 6:2).