Isa si Corrie ten Boom sa mga mapalad na nakaligtas mula sa Holocaust. Dahil sa karanasan niya, nalalaman niya ang kahalagahan ng pagpapatawad. Sinabi niya sa kanyang libro na Tramp for the Lord, “Kapag humingi tayo ng tawad sa Dios, inihahagis Niya ito sa kailaliman ng dagat. Napawi na ito magpakailanman. Naniniwala ako na pagkatapos ay naglalagay ang Dios ng paskil doon na, ‘Bawal Mangisda.’”

Ang sinabing iyon ni Corrie ay isang katotohanang minsa’y mahirap paniwalaan ng mga nagtitiwala kay Jesus. Kapag pinatawad na tayo ng Dios sa ating mga kasalanan, pinatawad na Niya itong lahat! Hindi na tayo dapat pang malumbay at panghinaan. Sa halip, tanggapin natin ang biyaya at pagpapatawad Niya.

Tulad ng konsepto ng “Bawal Mangisda” ang nabanggit sa Salmo 130. Sinabi ng sumulat ng Salmo na bagamat matuwid ang Dios, pinapatawad Niya ang lahat ng kasalanan ng sinumang buong pusong nagsisisi, “Ngunit pinatawad N’yo kami” (Tal. 4). Nagtitiwala sa Dios (Tal. 5) ang sumulat ng Salmo at sinabi rin niya na “Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan” (Tal. 8). Lagi tayong handang iligtas ng Dios (Tal. 7).

Ang paglilingkod natin sa Dios ay nahahadlangan sa tuwing naaalala natin ang mga kasalanan natin. Ilapit natin ito sa Dios. Tanggapin natin ang pagpapatawad Niya sa lahat ng pagkukulang natin. Itinapon na Niya ang lahat ng ito sa karagatan!