Nagising si Tiffani sa loob ng madilim na eroplano. Nakatulog siya habang nakahinto na ang eroplano at nakababa na ang lahat ng pasahero. Bakit walang gumising sa kanya? Paano siya napunta roon? Pinilit niyang alalahanin ang mga pangyayari.

Natagpuan mo na ba ang sarili mo sa isang lugar na hindi mo inaasahan? Masyado ka pang bata para magkasakit ng malala at wala itong lunas. Maganda naman ang komento sa iyong pagtatrabaho pero bakit ka nila tatanggalin? Masaya ang simula ng inyong buhay mag-asawa pero ngayon, mag-isa ka na lang na nag-aalaga ng mga anak mo at hindi ka pa permanente sa trabaho.

Paano ba ako nakarating dito? Maaaring naisip ito ni Job “habang nakaupo sa abo” (Job 2:8). Namatay ang mga anak niya, at nawala ang kayamanan at malusog niyang katawan sa isang iglap. Pinipilit niyang alalahanin kung paano siya nakarating sa tagpong iyon.

Sa kabila ng matinding pagsubok sa buhay ni Job, inalala niya ang kabutihan at katapatan ng Dios. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Dios at hindi masasama?” (Tal. 10). Inalala ni Job na maasahasan niya na patuloy na magiging tapat ang Dios. Tunay namang naghinagpis noon si Job. Sumigaw siya sa kalangitan. Gayon pa man, nanatiling matibay ang pag-asa ni Job. “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas...at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios (19:25-26). Pinanghawakan ni Job ang pag-asang iyon habang inaalala na tapat ang Dios sa lahat ng panahon.