Isang guro si Donelan at nagbunga ang pagiging palabasa niya. Habang nagpaplano siya para sa isang bakasyon, binasa niya ang napakahabang kontrata ng kanyang travel insurance. Nang makarating na siya sa ika-7 pahina, laking gulat niya nang madiskubre na may matatanggap siyang gantimpala dahil nakaabot siya sa pahinang iyon.
Bahagi pala ito ng isang patimpalak ng kumpanya ng insurance kung saan makakatanggap ng 10,000 dolyar ang mananalo. Nagkaloob din sila ng pabuya sa paaralang tinuturuan ni Donelan. Sinabi ni Donelan, “Mahilig talaga akong magbasa ng mga kontrata. Nagulat ako sa natunghayan ko!”
Sa Biblia naman, isinulat ng may-akda ng Salmo na nais niyang makita ang mga kahanga-hangang bagay tungkol sa Dios (Salmo 119:18). Nalalaman niya na nais ng Dios na magkaroon tayo ng malalim na pagkakakilala sa Kanya. Nais din ng may-akda na mas makilala ang Dios, malaman ang mga dakilang gawa Niya, at kung paano siya mas magkakaroon ng malapit na relasyon sa Kanya (Tal. 24, 98). Isinulat rin niya, “Iniibig ko ang Iyong kautusan. Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan” (Tal. 97).
Mayroon din tayong pribilehiyo na maglaan ng oras para lubos na makilala ang Dios upang mas maging malapit sa Kanya. Ninanais Niya na turuan, gabayan, at buksan ang ating mga puso sa Kanya. Makatatagpo tayo ng kahanga-hangang gantimpala dahil sa lubos na pagkakakilala natin sa Kanya.