Anong pipiliin mo? Magbakasyon sa Switzerland o iligtas ang mga bata mula sa panganib sa Prague? Pinili ni Nicholas Winton ang huli. Taong 1938 nang magkaroon ng giyera sa pagitan ng Czechoslovakia at Germany. Matapos bisitahin ni Nicholas ang lugar na tinutuluyan ng mga bihag sa Prague, nabagbag ang kanyang puso. Nakita niya roon ang mga Judiong dumadanas ng hirap. Nangalap siya ng pera para iligtas ang daan-daang mga bata paalis ng Prague patungo sa Britanya bago mag-Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Katulad ng nabanggit sa Salmo 82 ang ipinakitang kabutihan ni Nicholas: “Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila” (Tal. 3). Hinikayat ng nagsulat ng salmong ito na si Asaf ang mga tao na tumulong sa iba: “Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!” (Tal. 4).
Binigyan ni Asaf ng boses ang mga mahihina sa lipunan-mga mahihirap at balo na nangangailangan ng hustisya at proteksyon. Katulad ito ng ginawa ni Nicholas nang sagipin niya ang mga bata mula sa pagkakabihag.
Saan mang dako ng mundo, marami ang mga nangangailangan ng tulong dahil sa giyera, bagyo, at iba pang suliranin. Hindi man natin malutas ang bawat problema, maaari tayong tumulong sa mga sitwasyon kung saan tayo dinadala ng Panginoon.