Inilagay ng isang rescuer ang kanyang bangka sa gitna ng dagat para saklolohan ang mga takot na manlalangoy na kasalukuyang nasa isang paligsahan. Sinabi niya, “Huwag n’yong hawakan ang gitna ng bangka!” Nalalaman niya na kapag ginawa nila iyon, lulubog ang bangka. Itinuro niya sa mga ito na kumapit sa unahan ng bangka. May lubid doon na maaari nilang hawakan para mas mabilis silang mailigtas at matulungan.
Sa tuwing nakararanas tayo ng mga suliranin na humihila sa atin pababa, nalalaman nating mayroon tayong Dios na magliligtas sa atin. “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing Ako mismo ang maghahanap sa Aking mga tupa... Ililigtas ko sila saang lugar man sila nangalat noong panahon ng kaguluhang iyon” (Ezekiel 34:11-12).
Ito ang katiyakang ibinigay ni Ezekiel sa bayang Israel nang ipatapon sila. Binalewala at pinagsamantalahan sila ng kanilang mga pinuno. Mas inuna ng mga ito ang kanilang mga sarili kaysa pagsilbihan ang bayan nila (Tal. 8). Dahil dito, “nangalat sila sa buong mundo at walang naghanap sa kanila” (Tal. 6). Pero sinabi ng Dios, “Ililigtas Ko ang mga tupa” (Tal. 10). At ganoon pa rin ang Kanyang pangako magpahanggang ngayon.
Ano ang nararapat nating gawin? Magtiwala tayo sa Dios at sa Kanyang mga pangako. Sinabi Niya, “Ako mismo ang maghahanap sa Aking mga tupa at mag-aalaga sa kanila” (Tal. 11). Isa itong pangako na ating mapanghahawakan.