Naaaliw ang mga tao sa tinatawag na “wave.” Kadalasang ginagawa ito sa mga palaro at mga konsyerto. Nagsisimula ito kung may grupo na biglang tatayo at itataas ang kanilang mga kamay. Makalipas ang ilang saglit, gagawin din ito ng mga katabi nila. Layunin nito na makabuo ng sunod-sunod na paggalaw ng mga tao sa buong koliseo. Kapag nakaabot na sa dulo, magsasaya at hihiyaw ang mga taong nagpasimula ng wave.
Naganap ang unang naitalang wave sa laban sa pagitan ng Oakland Athletics at New York Yankees noong 1981. Nakatutuwang makiisa rito. Ipinapaalala sa akin ng kaligayahan at pagkakaisa sa pagsasagawa ng wave ang magandang balita. Ang magandang balita ang nagbubuklod sa lahat ng mga nagtitiwala kay Jesus. Naghahatid ito ng papuri at pag-asa sa kanilang puso. Nagsimula ang paglaganap ng magandang balitang ito mahigit 20 siglo na ang nakakaraan sa Jerusalem. Sumulat si Pablo sa mga taga-Colosas.
“Ang Magandang Balitang ito’y lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios” (1:6). Ang bunga ng ebanghelyo ay pananampalataya at pag-ibig na nagmumula sa pag-asang “inilaan para sa [atin] sa langit” (Tal. 5).
Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, kabahagi tayo sa itinuturing na pinakadakilang wave sa kasaysayan. Magpatuloy nawa tayo sa pagpapahayag ng Magandang Balita. Malulugod ang Dios na Siyang nagpasimula ng lahat.