Binasa ko kamakailan ang mga liham na ipinadala ng tatay ko sa aking nanay noong panahon ng digmaan. Nasa Hilagang Aprika noon ang tatay ko at nasa Virginia naman ang nanay ko. Isang tinyente ang tatay ko at isa sa mga trabaho niya ang magsuri ng mga liham para hindi makarating sa mga kalaban nila ang mahahalagang impormasyon. Kaya nakatutuwang makita ang labas ng liham para sa kanyang asawa - isang selyo na nakalagay, “Sinuri ni Tinyente John Branon.” Dahil sa trabaho niya, kinakailangan niya ring suriin ang sarili niyang mga liham.
Isang magandang gawain din naman na suriin o siyasatin ang ating mga sarili. Maraming beses na binanggit sa Biblia ang kahalagahan ng pagsisiyasat ng sarili para maging kalugod-lugod sa harap ng Dios. Isinulat ng may-akda ng Salmo, “O Dios, siyasatin N’yo ako, upang malaman N’yo ang nasa puso ko... Tingnan N’yo kung ako ay may masamang pag-uugali” (Salmo 139:23-24).
Sinabi naman ni Jeremias, “Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon” (Panaghoy 3:40). Binigyang diin naman ni Pablo na, “Kailangang suriin ng bawat isa ang kanilang sarili” bago makisalo sa Banal na Hapunan (1 Corinto 11:28).
Sa tulong ng Banal Espiritu, magagawa nating mabago ang ating mga pag-uugali at gawi na hindi nakalulugod sa Dios. Bago tayo magpatuloy sa ating pamumuhay, humingi tayo ng tulong sa Banal na Espiritu sa pagsisiyasat sa ating sarili upang muling manumbalik ang ating magandang ugnayan sa Dios.