Nasa bahay na kami nang mapansin kong napakainit na pala ng temperatura ng aming kotse. Lumabas ang usok mula rito nang patayin ko ang makina. Tila maaari ka nang magluto sa sobrang init ng makina. Nang maitaas ko ang kotse, nakita ko na naipon ang langis sa ilalim. Napagtanto ko agad ang nangyari, nasira ang lagayan ng langis.
Napadaing ako dahil marami na kaming naging gastos sa pagpapaayos ng ilang bagay. Naitanong ko tuloy, Bakit ba palaging may nasisira?
Nangyayari din ba ito sa iyo? Minsan, matapos na masolusyonan ang isang problema, may kasunod na naman na panibagong suliranin. At minsan din, ang mga problemang hinaharap natin ay higit na matindi kaysa sa sirang makina ng kotse tulad ng malubhang sakit, biglaang pagpanaw ng mahal sa buhay, at pagkalugi.
Sa ganitong mga pagkakataon, naghahangad tayo ng isang mundong payapa at walang suliranin. Ipinangako naman ni Jesus na darating ang mundong ito. Ipinaala Niya sa Kanyang mga tagasunod, “Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo, pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na Ako laban sa kapangyarihan ng mundo” (Juan 16:33). Binanggit ni Jesus sa kabanatang ito na makakaranas tayo ng matitinding suliranin tulad ng mga pag-uusig dahil sa ating pananampalataya. Gayon pa man, hindi tayo mawawalan ng pag-asa dahil sa mas magandang hinaharap na ipinangako sa atin ng Dios.