Masayahing bata si Therese pero nagbago ito nang mamatay ang kanyang ina. Naging mahina ang kanyang loob at madali na siyang mainis. Pero lumipas ang ilang taon, nagbago siya nang makadalo siya sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Ipinagdiriwang nila noon ang kapanganakan ni Jesus. Pagkatapos ng pagtitipon na iyon ay naranasan ni Therese ang kasiyahan at ang pag-alis ng Dios ng kanyang mga kinatatakutan. Naranasan din niya ang kapangyarihan ng Dios sa kanyang buhay sa pamamagitan ng pananahan ni Jesus.
Ano ang ibig sabihin ng pananahan ni Cristo sa atin? Sinabi ni Pablo sa mga taga-Colosas na isa itong misteryo. Ito ang lihim na plano ng Dios na hindi inihayag noon sa unang mga panahon pero ipinapaalam ito ng Dios sa mga taong nagtitiwala sa Kanya (Colosas 1:26). Ipinahayag sa kanila ng Dios ang dakila at kamangha-mangha Niyang plano na si Cristo ay sumasakanila.
“At ito ang lihim na plano: Si Cristo ay sumasainyo at ito ang basehan ng pag-asa ninyo na inyong makakamtan ang napakabuting kalagayan sa hinaharap” (T. 27). Naranasan na ng mga taga-Colosas ang bagong buhay dahil nananahan na si Cristo sa kanila. Hindi na rin sila alipin ng kanilang dating pamumuhay.
Kung magtitiwala tayo kay Jesus bilang ating Tagapagligtas, mananahan Siya sa ating buhay. Papawiin din Niya ang ating mga takot sa tulong ng Banal na Espiritu. Magkakaroon ng pagbabago sa ating buhay gaya ng kagalakan, kapayapaan, at pagpipigil sa sarili (Galacia 5:22-23). Pasalamatan natin si Jesus sa Kanyang pananahan sa ating buhay.