Minsan, nagbibisikleta si Julio nang may nakita siyang isang lalaki na tatalon sa tulay at magpapakamatay. Agad na umaksyon si Julio at nilapitan ang lalaki. Niyakap niya ito at sinabihan na, “Huwag mong gawin ‘yan. Mahal ka namin.” Sa tulong ng isa pang taong dumadaan ay nailigtas nila ang lalaki. Hindi binitiwan ni Julio ang lalaki hanggang sa dumating ang mga awtoridad na tutulong sa kanila.
Ang pangyayaring ito ay katulad ng ginawa ni Jesus sa atin. Siya ang ating Mabuting Pastol na nag-alay ng buhay para sa atin at nangako na hindi Niya bibitiwan ang mga taong mananampalataya sa Kanya. Sinabi Niya kung paano Niya aalagan ang mga magtitiwala sa Kanya. Kikilalanin Niya sila, pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at hindi Niya sila pababayaan.
Ang pagliligtas ni Jesus ay hindi nakasalalay sa kakayahan ng mga taong magtitiwala sa Kanya. Sa halip, nakasalalay ito sa kakayahan ni Jesus na ingatan at hindi maagaw sa Kanyang kamay ang mga taong maglalagak ng pagtitiwala sa Kanya (Juan 10:28-29).
Sa tuwing nawawalan tayo ng pag-asa at maraming pagsubok na pinagdadaanan, alalahanin natin na iniligtas tayo ni Jesus. May kapanatagan at katiyakan ang ating relasyon sa Kanya. Minamahal tayo ni Jesus, pinapatawad sa tuwing tayo ay nagkakasala at nangangako na hindi Niya tayo kailanman pababayaan.