May natanggap na kard si Lisa na may nakasulat na talata mula sa Biblia: “Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo” (2 Hari 6:17). Hindi makita ni Lisa ang kahalagahan ng talatang iyon. May kanser kasi siya at nakunan pa. Para sa kanya, hindi tugma sa pinagdadaanan niya ang talata tungkol sa mga sundalong anghel.
Pero nakita rin ni Lisa ang parang mga “anghel” na ginamit ng Dios upang tulungan siya. Binisita siya, pinalakas ang loob at ipinanalangin ng kanyang mga kaibigan. Pero lubos niyang naramdaman ang pagmamahal ng Dios nang bisitahin siya ng kaibigan niyang si Patty. Nakunan din kasi si Patty kaya naiintindihan niya ang pinagdadaanan ni Lisa. Doon naisip ni Lisa ang ibig sabihin ng talata sa kard. Tunay na may mga ipinapadalang “anghel” ang Dios sa atin upang damayan tayo at tulungan sa ating mga pagsubok.
Nang salakayin naman ang bansang Israel ng kanilang mga kaaway, pinorotektahan si Eliseo ng tunay na mga anghel. Pero hindi makita ng kanyang katulong ang mga anghel kaya nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata ng katulong ko para makakita siya” (T. 17).
Tuwing lumalapit tayo sa Dios, mararamdaman natin na hindi tayo nag-iisa sa pagharap sa ating mga pagsubok. Hindi tayo pababayaan ng Dios at ipapakita Niya ang pagmamahal Niya sa mga paraang hindi natin inaasahan.