Noong bata pa ako, madalas akong tanungin kung ano ang gusto kong maging paglaki ko. Paiba-iba ang sagot ko noon. Gusto ko kasing maging doktor, bumbero, siyentipiko o kaya naman ay maging isang misyonero. Ngayon na isa na akong tatay, naisip ko na nahihirapan din siguro ang mga anak ko sa tuwing sila naman ang tinatanong ko. Minsan ay gusto ko silang pangunahan kung ano ang puwede silang maging paglaki nila. Nalalaman kasi nating mga magulang ang kakayahan ng ating mga anak.
Nalalaman din naman ni Apostol Pablo ang mangyayari sa mga mananampalataya sa Filipos na kanyang minamahal at ipinapanalangin (Filipos 1:3). Alam niya kung ano ang mangyayari sa huli kapag natapos na ang lahat. Mababasa rin natin sa Biblia kung ano ang kahihinatnan nating lahat.
Mabubuhay muli tayong mga nanampalataya kay Jesus at lahat ng mga bagay ay babaguhin (Basahin ang 1 Corinto 15 at Pahayag 21). Sinasabi rin sa Biblia na ang Dios ang may-akda ng lahat ng ito.
Pinaalalahanan ni Pablo ang mga taga-Filipos na, “ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan Niya sa [kanila] hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus” (Filipos 1:6). Si Jesus ang nagsimula ng Kanyang gawain at pagkilos sa ating buhay. Siya rin naman ang patuloy na tutulong sa atin upang matapos natin ang Kanyang layunin sa ating buhay.