Binisita ko sa ospital ang kaibigan kong si Jacquie. Tatlong taon na siyang nakikipaglaban sa sakit na kanser. Noong wala pa siyang sakit, masiyahin siya at punung-puno ng buhay. Pero ngayon ay tahimik na siya at hindi masyadong makagalaw. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kanya nang bisitahin ko siya kaya binuklat ko na lamang ang Biblia at binasa ko sa kanya ang aklat ng 1 Corinto.
Pagkatapos kong bisitahin si Jacquie, napaiyak ako sa loob ng aking kotse dahil alam kong malapit na siyang pumanaw. Pero naisip ko na kahit pumanaw man siya ay muli ko siyang makikita dahil isa siyang mananampalataya ni Jesus. Naalala ko na ang kamatayan ay pansamantala lamang sa mga taong nagtitiwala kay Jesus (1 Corinto 15:21-22).
Nang mabuhay muli si Jesus pagkatapos Siyang ipako sa krus, nawalan na ng kapangyarihan ang kamatayan sa ating mga nagtitiwala sa Kanya. Kapag namatay tayo, muli tayong mabubuhay sa piling ng Dios sa langit at makakasama nating muli ang mga mahal natin sa buhay na nagtiwala rin naman kay Jesus.
Dahil nabubuhay si Jesus, may pag-asa ang mga nagtitiwala sa Kanya sa panahon ng mga mabibigat na pagsubok. Nalupig na ang kamatayan dahil ganap na ang tagumpay ng sakripisyo ni Jesus sa krus (T. 54).