May isang binata akong pinapadalhan ng liham sa loob ng ilang buwan. Nagdududa kasi siya sa kanyang pananampalataya sa Dios. Minsan, tinanong niya ako kung mahalaga ba tayo sa Dios dahil maliit lang naman ang naibabahagi natin sa mundong ito.
Kung si Moises na isang propeta sa Biblia ang kanyang tatanunganin, siguradong sasang-ayon si Moises na mabilis lamang ang buhay natin sa mundong ito. Sinulat ni Moises sa Salmo 90:10 na, “Talagang hindi magtatagal ang buhay [natin] at [tayo] ay mawawala.” At dahil maiksi lamang ang buhay natin, mapapaisip talaga tayo kung mahalaga nga ba tayo. Pero mahalaga tayo sa harapan ng Dios dahil nilikha Niya tayo at minamahal Niya tayo. Idinalangin ni Moises sa kanyang tula na, “Ipadama N’yo sa amin ang Inyong tapat na pag-ibig” (T. 14).
Mahalaga rin tayo dahil maaari nating ipakita ang pagmamahal ng Dios sa ibang tao. Kahit na maiksi ang buhay natin dito sa mundo, maaari itong maging makabuluhan kung ipapakita natin ang pagmamahal ng Dios sa iba. Hindi tayo nabuhay rito sa mundo upang magpayaman sa mga materyal na bagay kundi upang ipadama sa iba ang pag-ibig ng Dios.
At kahit na saglit lamang ang buhay natin dito sa mundo, mabubuhay naman tayo magpakailanman dahil muling nabuhay si Jesus. Darating ang panahon na makakapiling natin ang Dios sa langit at mararanasan natin ang Kanyang habang buhay na pag-ibig.