Isang misyonero at magsasaka si Tony Rinaudo. Tatlumpung taon na siyang naglilingkod kay Jesus sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga tao sa Africa na pangalagaan ang mga gubat at magtanim ng mga puno.
Tinulungan ni Tony ang mga magsasaka kung paano magiging sagana muli ang kanilang lupang sakahan sa pamamagitan ng muling pangangalaga ng mga kagubatan. Nakatulong din ito upang maiwasan ang pagguho ng lupa. Natulungan niya ang mga magsasaka at nadoble ang kanilang inaning pananim at perang kinita.
May sinabi naman si Jesus sa Juan 15 na katulad sa ginagawa sa pagsasaka. Sinabi Niya, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang Aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol Niya ang Aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis Niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga” (T. 1-2).
Kung hindi tayo tutulungan ng Dios ay hindi lalago ang ating espirituwal na buhay. Kung araw-araw naman nating babasahin ang Salita ng Dios, tayo ay “katulad [ng] isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa” (Salmo 1:3). Mamumunga tayo at magtatagumpay sa ating ginagawa (T. 3). Kung patuloy tayong mananangan sa Dios, patuloy na magiging mabunga at kasiya-siya ang ating buhay.