Si Fredie Blom ang pinakamatandang taong nabuhay noong 2018. Ipinanganak siya noong 1904 at umabot siya sa edad na 114 taon. Nang tanungin siya kung ano ang kanyang sikreto bakit humaba ang buhay niya ay ganito ang kanyang sagot: “Tanging ang Dios lamang ang dahilan kung bakit humaba ang aking buhay. Makapangyarihan ang Dios. Hawak Niya ang aking buhay at hindi Niya ako pinabayaan.”
Ang sagot ni Blom ay katulad din naman ng sinabi ng Dios sa bansang Israel nang sila ay pagmalupitan ng kanilang mga kaaway. Nangako ang Dios sa kanila na, “Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng Aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo” (Isaias 41:10).
Tila wala nang pag-asa ang bansang Israel noon dahil sa mabigat na pagsubok na pinagdadaanan nila. Pero pinanatag ng Dios ang kanilang loob na hindi Niya sila pababayaan. Sinabi Niya, “Ako’y sasaiyo, huwag kang matakot, Ako ang iyong Dios, hindi ka dapat mangamba” (T. 10 MBB).
Gaano man kahaba ang maging buhay natin dito sa mundo, kaakibat na natin ang mga pagsubok sa buhay at hindi tayo makakaiwas sa mga ito. Ilan sa mga pagsubok na maaari nating kaharapin ay ang problema sa pamilya at mga anak, malubhang karamdaman o hindi magandang relasyon sa iba. Pero alalahanin natin na hawak ng Dios ang ating buhay. Hindi tayo pababayaan ng Kanyang mapagpalang kamay.