Bumili ako ng isang magandang lampara mula sa tindahan na nagbebenta ng mga murang gamit. Pero nang iuuwi ko ito sa aming bahay at nang isaksak ko ito para pailawin, hindi ito umilaw. Sinabi ng aking asawa na madali lang daw niya itong magagawa. Nang ayusin niya ang lampara, nakita niya na walang kable ng kuryente na nakakabit sa pinakasaksakan nito. Naging walang saysay tuloy ang magandang lampara dahil walang kable ng kuryente na nakakabit sa pagmumulan nito ng ilaw.
Ganoon din naman tayo kung hindi tayo mananatili kay Jesus na pinagmumulan ng ating buhay. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad. “Ako ang puno ng ubas, at kayo ang Aking mga sanga. Ang taong nananatili sa Akin at Ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa Akin” (Juan 15:5)
Sinabi ito ni Jesus sa Kanyang mga alagad sa lugar kung saan namumunga ng mga ubas kaya madali nila itong naunawaan. Kapag pinutol ang mga sanga ng ubas, mawawalan ito ng saysay dahil hindi na ito nakakabit sa pagmumulan nito ng buhay. Ganoon din naman tayo. Kung mananatili tayo kay Jesus, patuloy na magiging mabunga ang ating buhay.
Sinabi ni Jesus, “Napaparangalan ang Aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod Ko kayo” (T. 8). Magiging mabunga ang ating buhay kung magpapatuloy tayo sa pag-ibig ng Dios at kung patuloy tayong magbubulay-bulay ng Kanyang mga Salita.