Minsan, nakakuwentuhan ko ang aking isang kaibigan tungkol sa pinagkakaabalahan niya. Sinabi niya sa akin na kasalukuyan siyang tumutugtog sa isang banda. Makalipas ang ilang buwan mula nang kami’y magkausap, naging sikat ang kanyang banda at ang mga awit nila ay pinatutugtog sa radyo at telebisyon. Mabilis ding sumikat ang aking kaibigan.
Humahanga tayo sa mabilis na tagumpay o pagsikat ng mga tao. Subalit sa Biblia ay mababasa natin kung paanong inihalintulad sa buto ng mustasa at sa pampaalsa ang paglago ng kaharian ng Dios. Maliit at tila hindi mahalaga ang buto ng isang mustasa. Mabagal at dahan-dahan ang paglago nito.
Ang naging buhay ni Cristo ay katulad din ng buto ng mustasa at ng pampaalsa. Kung paanong itinatanim ang buto sa lupa at ang pampaalsa ay tila nakatago sa minasang harina, namatay at inilibing din naman si Jesus subalit Siya ay nabuhay muli. Ang muli Niyang pagkabuhay ay maihahalintulad sa isang mayabong na puno na nagmula sa isang maliit na buto at sa isang masarap na tinapay na nilagyan ng kaunting pampaalsa.
Hinihikiyat din naman tayo ni Jesus na patuloy na mamuhay ng matapat at may paglago sa ating buhay. Umiwas tayo sa mga tukso at huwag tayong makiayon sa takbo ng sanlibutan. Kung aayusin natin ang ating buhay sa tulong ni Cristo, magiging malago ang ating buhay na “parang punongkahoy ang taas, at pinupugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.” (T. 32).