Ang Alexa ay isang voice-controlled device na gawa ng Amazon. Ang maganda sa device na ito ay maaari mong burahin ang lahat ng mga sinabi mo rito. Ano man ang inutos mong gawin ni Alexa o ano mang impormasyon ang hiningi mo rito, sabihin mo lang na “Burahin mo ang lahat ng sinabi ko sa araw na ito” at mabubura nga ito. Sa kasamaang palad, hindi natin ito maaaring gawin sa ating mga buhay. Bawat masakit na salitang binitawan natin, o masamang ginawa natin ay hindi na natin kailanman mabubura.
Hindi man natin mabubura ang lahat ng mga ginawa nating hindi mabuti, may magandang balita naman na ibinibigay sa atin ang Dios. Inaalok Niya tayo ng panibagong simula. Mas higit pa ito sa pagbubura sa mga nagawa nating masama. Nag-aalok Siya ng kaligtasan at tayo’y Kanyang babaguhin.
Sinabi ng Dios, “Manumbalik ka sa Akin para mailigtas kita” (Isaias 44:22). Kahit nagrebelde ang mga Israelita at sumuway sa Kanya, pinakitaan pa rin sila ng Dios ng labis na kahabagan. Pinaglaho Niya ang kanilang mga kasalanan na parang ambon o ulap (Tal. 22). Nilinis Niya ang lahat ng kanilang mga kahihiyan at pagkakamali ng Kanyang malawak na kagandahang-loob.
Ganoon din ang gagawin ng Dios sa ating mga kasalanan at pagkakamali. Walang mga pagkakamaling nagawa natin na hindi Niya kayang linisin. Ang kaawan ng Dios ang magliligtas sa atin at ang maghihilom sa ating mga sugat kahit na ang matagal na nating pinakatatago. Pinaglalaho ng Kanyang kahabagan ang ating mga pinagsisihang kasalanan.