Mas tahimik siguro ang ating buhay kung hindi naimbento ang mga cellphone, WI-FI at iba’t ibang gamit ng makabagong teknolohiya. Ganito katahimik sa isang munting lugar sa West Virginia na kilala na pinakatahimik na lugar sa Amerika. Dito kasi matatagpuan ang Green Bank Observatory kung saan nakatayo ang pinakamalaking teleskopyo sa mundo. Kailangan ng teleskopyong ito ng tahimik na lugar upang mas maobserbahan nito ang nangyayari sa kalawakan.
Mas napapakinggan ng mga eksperto ang mga nangyayari sa kalawakan dahil sa katahimikan. Ganoon din naman, ipinapaalala nito sa akin kung paano tayo dapat tumahimik upang mapakinggan ang Manlilikha ng kalawakan. Sa Biblia ay mababasa natin kung paano nakipag-usap ang Dios sa masuwaying mga Israelita sa pamamagitan ni propeta Isaias.
Sinabi Niya, “Lumapit kayo sa akin at makinig para mabuhay kayo. Gagawa Ako ng walang hanggang kasunduan sa inyo” (Isaias 55:3). Ipinangako ng Dios ang Kanyang matapat na pagmamahal sa mga taong hahanapin Siya at magsisisi sa kanilang mga kasalanan.
Mas makakapakinig tayo nang mabuti sa Dios kung isasantabi muna natin ang mga bagay na nakakaabala sa atin habang nagbabasa tayo ng Bilia at nananalangin. Nakikinig ang Dios sa ating mga panalangin. Nais Niya na maglaan tayo ng panahon para sa Kanya at unahin natin Siya sa ating mga buhay.