Noong 1979, nadiskubre nina Dr. Gabriel Barkay at ng kanyang mga kasamahan ang dalawang scroll na nakabaon sa dating lungsod ng Jerusalem. Noong 2004, matapos ang dalawampu’t limang taon ng maingat na pag-aaral, kinum- pirma ng mga iskolar na ang nadiskubre nilang scrolls ang pinakamatandang scrolls ng Biblia. Nakabaon ito noon pang 600 B.C. Ang isa pang nakakamangha dito ay kung ano ang nakasulat sa scrolls. Nakalagay dito ang mga pagpapalang nais sabihin ng Dios sa mga Israelita: “Pagpalain sana kayo ng Panginoon. Ipakita sana ng Panginoon ang Kanyang kabutihan at awa sa inyo” (Bilang 6:24-25).
Sinabi ng Panginoon kay Moises kung ano ang sasabihin nina Aaron at ng kanyang mga anak kapag magbabasbas sila sa mga Israelita. Kailangang sauluhin ito nina Aaron. Makikita rin sa mga salitang ito na ang Dios ang nagpapala. Dalawang beses na binanggit dito ang pangalan ng Dios at dalawang beses din binanggit ang mga taong pagpapalain. Ipinapakita nito kung gaano ninanais ng Dios na tanggapin ng mga Israelita ang Kanyang pagpapala at pagmamahal.
Nakakatuwang isipin na ang pinakamatandang bahagi ng Biblia na nadiskubre ay naglalaman ng pagnanais ng Dios na pagpalain ang mga tao. Ipinapaalala nito sa atin ang walang hanggang pag-ibig ng Dios at ang pagnanais Niya na magkaroon tayo ng personal na relasyon sa Kanya.
Kung pakiramdam mo ay malayo ang Dios, panghawakan mo ang Kanyang mga pangako sa mga talatang ito: Pagpalain sana kayo ng Panginoon. Ipakita sana ng Panginoon ang Kanyang kabutihan at awa sa inyo.