May grupo ng mahuhusay na mananahi sa bansang Netherlands ang nag-aayos ng mga damit na may tagpi. Nagdadala sila ng mga sirang damit at inaayos nila ang mga tagpi nito upang mas mapaganda ito.
Ang pag-aayos ng damit na may tagpi ay maihahalintulad sa naging karanasan ni Pablo. Ang mga tagpi ay katulad ng mga kahinaan ni Pablo. Subalit kahit na ganito, sinabi ni Pablo na buong galak niyang ipagmamalaki ang kanyang mga kahinaan. Kahit na may ipinakita sa Kanya ang Dios na mga kamangha- manghang mga bagay, hindi niya ito ipinagmalaki (2 Corinto12:6). May ibinigay sa Kanya ang Dios na “kapansanan sa katawan” upang hindi siya maging mayabang (T. 7). Hindi natin alam kung ano ang kapansanang tinutukoy rito ni Pablo.
Maaaring ito ay matinding kalungkutan, sakit na malaria o pagmamalupit ng kanyang mga kaaway. Hiniling niya sa Dios na tanggalin ang kapansanang ito. Subalit sinabi sa kanya ng Dios, ““Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang Aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina” (T. 9).
Kung paanong ang mga tagpi sa damit ay nagiging magandang muli dahil sa pag-aayos ng mga mananahi, magagamit din naman ng Dios ang ating mga kahinaan upang maipakita Niya ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian sa ating mga buhay. Tinutulungan tayo ng Dios at patuloy Siyang kumikilos sa ating mga buhay upang mapagtagumpayan natin ang ating mga kahinaan.