Natatakot ang batang si Caleb sa dilim. Natatakot pa rin siya kahit na may munting lamparang inilagay ang kanyang nanay sa kuwarto niya. Isang gabi, may idinikit na talata sa Biblia ang kanyang tatay sa may bandang paanan ng kanyang kama.
Ang talatang iyon ay ang Josue 1:9, “Magpa-katatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot...dahil Ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo”. Simula noon ay palagi nang binabasa ni Caleb tuwing gabi ang talatang iyon. Hanggang magkolehiyo ay dala-dala niya ang pangakong kaakibat ng talatang iyon.
Mababasa naman natin sa Josue 1 ng Biblia kung paanong pumalit si Josue upang pamunuan ang mga Israelita matapos mamatay ni Moises. Ilang ulit na sinabi ng Dios kay Josue at sa mga Israelita na, “magpakatatag at magpakatapang” (T. 6-7, 9). Natakot sila sa mga pagsubok na kakaharapin nila. Pero nangako sa kanila ang Dios na, “Sasamahan [Ko kayo] gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi [Ko kayo] iiwan o kaya’y pababayaan” (T. 5).
Natural lamang na makaramdam tayo ng takot. Pero kung palagi tayong nabubuhay sa takot ay maaari itong makaapekto sa ating pisikal na kalusugan at maging sa ating pananampalataya sa Dios. Kung paanong pinalakas ng Dios ang loob ng Kanyang mga lingkod sa Biblia, tapat din naman ang pangako Niya sa atin na hindi Niya tayo iiwan at hindi pababayaan.