Ipinagdiwang naming mag-asawa ang ikadalawampu’t limang taong anibersaryo ng aming kasal sa isang bakasyunan. Habang nagbabasa kami ng aming Biblia sa may dalampasigan, may mga lumapit sa amin na nagtitinda ng iba’t ibang produkto. Nagpasalamat kami sa kanila pero hindi kami bumili. May isang nagtitinda roon na ang pangalan ay Fernando. Hinikayat niya kaming bumili ng mga produkto bilang aming pasalubong pero tumanggi pa rin kami. Habang papalayo na si Fernando, sinabi ko sa kanya, “Nawa’y pagpalain ka ng Dios sa araw na ito.”

Lumapit siyang muli sa amin at sinabi, “Binago ni Jesus ang aking buhay.” Nakipagkuwentuhan siya sa amin at ibinahagi niya kung paano siya tinulungan ng Dios na mapagtagumpayan ang pagkakalulon sa alak at sa ipinagbabawal na gamot. Napaluha ako nang magbahagi siya ng mga talata mula sa aklat ng Salmo ng Biblia. Sinamahan niya rin kaming manalangin. Pinuri namin at pinasalamatan ang Dios habang kami ay naroroon sa dalampasigan.

Ang Salmo 148 ay isang panalangin ng papuri sa Dios. Hinihikayat ng sumulat nito ang lahat ng nilalang na magpuri sa Panginoon dahil sa Kanyang utos ay nalikha silang lahat (T. 5). Sinabi rin niya na ang Dios ay “dakila sa lahat, at ang Kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa” (T. 13).

Nais ng Panginoon na magpuri at magpasalamat tayo sa Kanya saan man tayo naroroon. Kahit pa tayo ay nasa dalampasigan.