Maraming tao ang naghihintay sa pagdating ng papa sa Roma. Nagsasaya sila at may mga banderitas na iwinawagay. Pero sa gitna ng kalye ay may pagala-gala na tuta na nasisiyahan dahil tila akala nito na ang mga tao ay nagsasaya para sa kanya.
Nakakatuwang makita kapag ang isang tuta ay tila inaagaw ang atensyon o papuri na hindi para sa kanya. Hindi rin naman makakabuti para sa atin kung aangkinin natin ang karangalang hindi naman para sa atin. Naranasan ito ni David nang tanggihan niyang inumin ang tubig na kinuha ng tatlong matatapang niyang sundalo. Nasabi kasi ni David na nais niyang uminom ng tubig mula sa balon sa Betlehem.
Pero hindi niya inakala na gagawin ito ng tatlo sa kanyang mga sundalo. Binuwis nila ang kanilang buhay upang makakuha ng tubig sa kampo ng kanilang mga kaaway. Lubos na humanga si David sa katapangan ng tatlo kaya tumanggi siyang inumin ito. “Sa halip ay ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon” (2 Samuel 23:16).
Makikita ang tunay nating ugali kung paano tayo tumatanggap ng papuri mula sa iba. Huwag nating agawin ang karangalan kung ito ay para sa iba lalo na kung ito ay para sa Dios. Kung tayo naman ay pinaparangalan, pasalamatan natin ang nagpaparangal sa atin at ibalik natin kay Jesus ang lahat ng papuri at pasasalamat.