Kagagaling lamang ng aking tatay sa sakit na prostate cancer. Pero matapos nito ay nabalitaan naman namin na mayroon siyang pancreatic cancer. At ang mas malala pa rito, ang tatay ko ang nag-aalaga sa aking nanay na may malubha ring sakit. Ngayong parehas nang may sakit ang aking mga magulang, alam kong magiging mahirap ang haharapin naming mga araw.
Nang binisita ko ang aking mga magulang, dumalo rin ako sa kanilang simbahan. Nilapitan ako roon ng lalaking si Helmut at sinabi niyang nais niyang tumulong sa amin. Makalipas ang dalawang araw, bumisita si Helmut sa aming bahay. Sinabi niya na siya ang magluluto ng pagkain para sa aking tatay kapag nagsimula na siyang magpagamot. Siya rin daw ang maglilinis ng aming bakuran at mangongolekta ng aming mga basura. Isang dating tagapagmaneho ng trak si Helmut. Pero ngayon, naging parang isang anghel siya para sa amin. Nalaman din namin na tumutulong din si Helmut sa iba pang nangangailangan.
Ang mga nananampalataya kay Jesus ay tinawag din naman upang tulungan ang iba (Lucas 10:25-37). Pero may mga taong may espesyal na kakayahang matulungan ang iba. Tinawag ito ni Apostol Pablo na pagkakawanggawa (Roma 12:8 MBB). Nakikita ng mga taong nagkakawanggawa ang pangangailangan ng iba at buong puso silang nag-aabot ng tulong. Sila ang ginagamit ng Banal na Espiritu upang makatulong sa katawan ni Cristo dito sa lupa (T. 4-5).
Tunay na gumagamit ang Dios ng mga tao upang ipadama ang Kanyang awa at habag sa atin.