Kinakabahan ako habang papasok ako sa opisina ng bago naming boss. Istrikto at mapagmataas kasi ang dati naming boss. Kaya iniisip ko kung mabait kaya ang bago naming boss. Nawala ang takot ko nang pumasok ako sa opisina dahil sa mainit na pagtanggap ng bago kong boss. Tinanong niya ako ng mga bagay tungkol sa aking sarili. Nakinig siyang mabuti at naramdaman ko ang pagmamalasakit niya sa akin. Isang mananampalataya rin kay Jesus ang aking bagong boss. Kaya naman, naging kaibigan ko siya at tagapagturo.
Si Apostol Pablo rin naman ay naging tagapagturo ni Tito sa kanyang pamumuhay Cristiano. Itinuring ni Pablo si Tito na kanyang “tunay na anak sa iisang pananampalataya” (Tito 1:4).
Nagbigay siya ng mga payo kay Tito kung paano matutulungan ang mga nagtitiwala kay Jesus. Ipinakita rin ni Pablo kung paano “ituro ang naaayon sa wastong aral” (2:1), “magpakita ng mabuting halimbawa sa lahat ng bagay” at kung paano “maging tapat at taos-puso sa pagtuturo at tiyaking tama ang pananalita” (T. 7-8). Bilang resulta, naging katulong ni Pablo si Tito sa pagpapalaganap ng mabuting balita ni Cristo. Naging tagapagturo din si Tito ng iba.
Marami sa atin ang nagkaroon ng sariling tagapagturo. Ginabayan nila tayo upang lumawak ang ating kaalaman, pinalakas nila ang ating loob at pinatatag ang ating pananampalataya sa Dios. Sino naman kaya ang maaari nating gabayan upang mapalapit ang kanyang relasyon kay Jesus?