Nagdesisyon ang mag-asawang sina Mark at Nina na lumipat ng tahanan sa isang bagong lungsod. Idinalangin nila sa Dios ang paglipat nilang ito. Bumili sila ng bagong bahay at naghanda sa paglipat. Pero matapos ang kanilang paglipat, may bagyong paparating sa lugar kung saan na sila nakatira. Nag-text sa akin si Mark at sinabi niya: “Nawasak ng bagyo ang aming bagong bahay. Walang natira kahit isa. Pero kahit ganoon pa man, alam kong may plano ang Dios.”
Hindi lamang mga literal na bagyo ang dumarating sa ating mga buhay. Maraming iba pang pagsubok ang kinakaharap natin na hindi natin maiiwasan. Pero ang pagtitiwala sa Dios sa gitna ng pagsubok ang susi upang mapagtagumpayan ito.
May tila bagyong naranasan din si Job sa kanyang buhay. Nawasak ang kanyang bahay at namatay ang kanyang mga anak (Job 1:19). Bago nangyari ang mga ito, tatlo sa kanyang mga mensahero ang nagdala rin ng masamang balita na lahat ng ari-arian niyang mga hayop ay namatay (T. 13-17).
Mabilis magbago ang takbo ng ating buhay. Minsan ay masaya tayo at minsan naman ay puno ng pagsubok ang ating buhay. Maaaring maranasan natin ang problemang pinansyal, malubhang karamdaman, o hindi maayos na relasyon sa iba. Pero mas makapangyarihan ang ating Dios kaysa sa mga bagyong dumaraan sa ating buhay. Matibay na pananampalataya sa Dios ang kailangan natin upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok na ito. Ito rin ang magtutulak sa atin upang sabihin natin na, “Purihin ang pangalan ng Panginoon!” (T. 21).