Nais ng mag-asawang sina Ashton at Austin Samuelson na maglingkod kay Jesus. Naisip nila na gamitin ang kakayahan nila sa pagnenegosyo upang matulungan ang nagugutom na mga bata.
Kaya naman, noong 2014 ay itinayo nila ang kanilang restawran na may layunin na makapag-abot din ng tulong sa nagugutom na mga bata. Naglalaan sila ng pera mula sa kanilang kinikita upang mabigyan ng pagkain ang mga batang nagugutom. Nakapagbigay sila ng tulong sa halos 60 na mga bansa.
Malinaw din naman ang itinuturo sa atin ni Jesus sa Mateo 10 ng Biblia. Mababasa natin dito na ang pagtulong sa iba ay hindi sa salita lamang kundi sa gawa (T. 37-42). Isa na rito ay ang pagbibigay sa mga taong nangangailangan. Nakatuon ang pagbibigay nina Ashton at Austin sa mga bata. Pero tandaan natin na hindi lamang sa mga bata tayo maaaring magbigay.
Hinihikayat tayo ni Cristo na tulungan ang mga itinuturing na pinakahamak sa mundong ito: ang mga may sakit, nakabilanggo, may kapansanan o ang mga kapus-palad. At ano naman ang ibibigay natin? Sinabi ni Jesus, “Kahit isang basong malamig na tubig” (T. 42). Kung maliit na bagay man na maituturing ang isang basong malamig na tubig, anumang maliit na bagay na maitutulong natin ay ikatutuwa rin ng iba.