Isa sa pinakamatagal na naantalang sulat sa buong kasaysayan ay tumagal nang 89 taon bago natanggap. Noong 2008 ay nakatanggap ng sulat ang isang babae sa UK na taong 1919 pa ipinadala sa address ng kanyang bahay. Ang sulat ay para sa dating may-ari ng bahay na kanyang kasalukuyang tinitirhan. Nananatiling misteryo ang dahilan kung bakit naging napakatagal ang pagpapadala ng sulat.
Ipinapakita ng pangyayaring iyon na maaari tayong biguin ng tao. Pero sa Biblia, malinaw na mababasa na hindi bibiguin ng Dios ang matapat Niyang mga anak. Sa 1 Hari 18 ay nais ipakita ni Elias sa mga tao kung sino ang tunay na Dios. Nang manalangin ang mga propeta ni Baal sa loob ng ilang oras ay tinuya sila ni Elias at sinabi: “Sige lakasan n’yo pa ang pagsigaw, dios naman siya! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga o may pinuntahan, o nakatulog at kailangang gisingin” (T. 27).
Nanalangin naman si Elias kay Yahweh upang ang mga Israelita ay manumbalik sa kanilang pananampalataya. Ipinakita ng Dios ang Kanyang kapangyarihan nang magpadala Siya ng apoy mula sa langit.
Kahit na ang mga panalangin natin ay hindi agad sinasagot ng Dios, makakaasa naman tayo na pinapakinggan Niya ang mga ito (Salmo 34:17). Pinahahalagahan ng Dios ang ating mga panalangin at itinatago Niya ito gaya ng gintong sisidlan na puno ng insenso (Pahayag 5:8). Tutugunin ng Dios ang ating bawat panalangin ayon sa Kanyang kalooban at kaparaanan. Lahat ng ating panalangin ay nakararating sa langit na tahanan ng Dios.