May nakakatuwang kuwento si Dr. Seuss tungkol sa dalawang tauhan na hindi magkasundo. Ang isang tauhan ay naglalakad patungong kanluran at ang isa naman ay naglalakad patungong timog. Nang magkasalubong sila ay ayaw nilang pagbigyan ang bawat isa na makadaan. Nagaway silang dalawa at nanatili na lamang na nakatayo sa loob ng mahabang panahon sa lugar na pinagsalubungan nila. Ayaw kasi nilang pagbigyan ang bawat isa.
Sinasalamin ng kuwentong ito ang kalikasan nating mga tao. May ugali kasi tayo na nais nating tayo lamang ang tama at minsan ay matigas ang ating kalooban na magparaya sa iba.
Mabuti na lamang at nais palambutin ng Dios ang ating matigas na puso. Nagkaroon din naman si Apostol Pablo ng karanasan kung saan may dalawang miyembro ng iglesya sa Filipos ang may hindi pagkakasundo (Filipos 4:2). Pinayuhan niya sina Eudia at Syntique na magkasundo. Sinabihan niya rin ang mga mananampalataya na tulungan ang dalawang babaeng ito (4:3) at magkaroon sila ng magkatulad na pag-iisip at kagandahangloob gaya ng kay Cristo (2:5-8). Ipinapakita nito na ang pagkakasundo ay maaaring maisagawa sa tulong ng ibang tao.
May mga pagkakataon din naman na tama ang ating paninindigan kaysa sa iba pero maaari natin itong ipaglaban sa maayos na paraan at hindi sa paraang makakasakit ng iba (Galacia 5:15). Maaari din naman tayong magpakumbaba, tanggapin ang payo ng iba at makipagkasundo sa ating kapwa na may hindi tayo pagkakaunawaan.