Gustong-gusto ni Ramesh na ipahayag sa iba ang tungkol kay Jesus. Ipinapahayag niya si Jesus sa kanyang mga katrabaho at sa mga bahay-bahay. Nakakahawa talaga ang kasigasigang iyon ni Ramesh. Lalo na noong matutunan niya ang kahalagahan na dapat ring nagpapahinga.
Tuwing Sabado at Linggo, inilalaan ni Ramesh ang kanyang oras sa pagpapahayag ng Salita ng Dios. May pagkakataon rin na halos gabi-gabi niya itong ginagawa. Pagod na siya kapag umuuwi sa bahay. Hindi na rin siya makalaro o makausap man lang. Kaya naman, hinahanap-hanap na siya ng kanyang pamilya.
Natauhan si Ramesh sa kanyang pagiging sobrang abala nang kausapin siya ng kanyang asawa at mga kaibigan. May nabasa rin siyang talata sa Kawikaan 30 tungkol sa mga hayop gaya ng mga langgam, kuneho at balang. Nakakamangha kung paanong “ang mga butiki [ay] maaaring hawakan sa iyong palad dahil sa kaliitan, subalit nasa palasyo ng hari at doon naninirahan” (T. 28 MBB).
Napaisip si Ramesh kung paanong ang mga ordinaryong mga hayop na ito ay napasama sa Biblia. Maaaring nakita ng mayakda ang butiki sa palasyo at namangha dito kaya’t tumigil siya at pinagmasdan ito. Maaaring isinama ng Dios ito sa Kanyang Salita upang paalalahanan tayo na pahalagahan din ang pagpapahinga. Kailangan din nating maglaan ng panahon upang magpahinga at magsaya kasama ang ating pamilya at mga kaibigan. Nawa’y pagkalooban tayo ng Dios ng karunungan upang malaman natin kung kailan tayo dapat magtrabaho, maglingkod at magpahinga.