Sa Pontiac, Michigan, nagkamali ang isang kompanya sa bahay na kanilang gigibain. Nalaman ng mga imbestigador na inilipat ng may-ari ng bahay na gigibain ang numero ng kanyang address. Inilagay niya ito sa bahay ng kanyang kapitbahay para hindi magiba ang kanyang bahay.
Salungat naman dito ang ginawa ni Jesus. Ang misyon Niya ay ang gibain ang sarili Niyang “tahanan” para sa kapakanan ng iba. Hindi naunawaan ng mga tao pati ng Kanyang mga alagad nang sabihin ni Jesus sa mga pinuno ng mga Judio na, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli” (Juan 2:19). Sumagot naman ang mga pinuno, “Ginawa ang templong ito ng 46 na taon at itatayo mo sa loob lang ng tatlong araw?” (T. 20). Pero ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang mismo Niyang katawan (T. 21). Hindi nila ito maunawaan.
Hindi nila naunawaan na si Jesus ang magbabayad ng lahat ng ating mga kasalanan.
Nalalaman ng Dios ang nilalaman ng puso ng bawat tao. Kaya naman, hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang Kanyang buong plano kahit sa mga taong nakakita ng Kanyang mga himala at mga nagtiwala sa Kanya (T. 23-25). Hanggang ngayon naman, unti-unting ipinapahayag ni Jesus sa Kanyang Salita ang pagmamahal at kabutihan na hindi natin lubos na mauunawaan kahit sabihin pa sa atin.