Naimbitahan ako dati na magsalita sa mga miyembro ng isang fraternity. Nagpasama ako sa isa kong kaibigan dahil may reputasyon na magugulo ang mga miyembro nito. Nagkaroon nga ng kaguluhan doon. Maya-maya pa’y ipinakilala ako ng kanilang presidente at sinabi na nais naming ipahayag ang tungkol sa Dios.
Nanginginig akong tumayo at sinimulan kong ipahayag sa kanila ang pag-ibig ng Dios. Tumahimik ang lahat at nakinig nang mabuti. Marami rin silang itinanong sa akin. Kinalaunan, nagsimula kaming magturo roon at marami ang nagtiwala sa paraan ng kaligtasang nagmumula kay Jesus. Masasabi ko na ang araw na iyon ay isa sa mga matatagumpay na araw sa aking buhay. Pero may mga araw din naman na nakakaranas ako ng kabiguan.
Mababasa naman natin sa Lucas 10 ang ulat ng mga alagad ni Jesus sa matagumpay nilang misyon. Napalayas nila ang masasamang espiritu at marami silang napagaling. Tuwang-tuwa ang mga alagad. Sinabi ni Jesus, “Nakita Kong nahulog si Satanas mula sa langit na parang kidlat” (T. 18). Pero nagbabala si Jesus: “Huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu kundi matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang pangalan ninyo” (T. 20).
Natutuwa tayo sa mga tagumpay na nararanasan natin at nalulungkot naman sa mga kabiguan. Subalit patuloy pa rin nating gawin ang ipinapagawa sa atin ng Dios at ipagkatiwala sa Kanya ang magiging resulta ng mga ito. Tandaan natin na ang bawat pangalan ng nagtitiwala kay Jesus ay nakasulat sa Kanyang aklat.