Noong 1962, bumisita si Bill Ashe sa bansang Mexico. Tumulong siya sa pagkumpuni ng mga poso sa isang bahay-ampunan. Makalipas ng labinlimang taon, nagtayo si Bill ng isang organisasyon. Bunga ito ng pagnanais niyang paglingkuran ang Dios sa pamamagitan ng pagtulong na magkaroon ng malinis na tubig ang mga lugar na nangangailangan nito. Sinabi niya, “Ginising ako ng Dios para gamitin nang tama ang buhay ko sa pamamagitan ng paghahanap ng ibang mga nagnanais ding tumulong sa mga mahihirap na magkaroon ng malinis na tubig.” Nalaman ni Bill na higit 100 bansa ang nangangailangan nito at inimbita niya ang ibang mga tao na maging bahagi ng organisasyong itinatag niya.
Nais din ng Dios na makipagtulungan tayo sa iba para makapaglingkod sa Kanya. Nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga taga-Corinto tungkol sa kung sino ang nais nilang tagapagturo, sinabi ni Apostol Pablo na siya ay lingkod ng Dios at katulong niya si Apolos. Sa Dios lang sila umaasa para sa paglago ng kanilang buhay espirituwal (1 Corinto 3:1-7).
Ipinaalala niya na mahalaga ang lahat ng gawain para sa Dios (Tal. 8). Sinabi rin ni Pablo na isang pribilehiyo ang maglingkod sa Dios kasama ang iba pang mga mananampalataya at hinihikayat niya tayo na magtulungan din habang tayo’y binabago ng pag-ibig ni Cristo (Tal. 9).
Bagamat hindi kailangan ng Dios ang tulong natin para maisakatuparan ang mga gawain Niya, inaanyayahan Niya tayo na makibahagi sa mga gawaing ito.