Hinarang si Lily sa isang paliparan nang minsang umuwi siya mula sa ibang bansa. Si Lily ay isang tagasalin ng Biblia. Nakita ng mga opisyal sa kanyang cellphone ang naka-record na kopya ng Bagong Tipan. Dalawang oras siyang tinanong ng mga ito tungkol dito. Hiniling pa nga ng mga ito na marinig ang kopyang nabanggit.
Tamang-tama naman nang buksan ni Lily ang cellphone, ang mga talata sa Mateo 7:1-2 ang kanilang narinig: “Huwag ninyong husgahan ang iba, para hindi rin kayo husgahan ng Dios. Sapagkat kung paano ninyo hinusgahan ang inyong kapwa ay ganoon din kayo huhusgahan ng Dios.” Nang marinig ang talata ng mga opisyal, namutla sila. At pagkatapos ng ilang sandali ay hinayaan na nilang makaalis si Lily.
Hindi natin alam kung ano ang nangyari sa puso ng mga opisyal ng paliparan, pero nakatitiyak tayo na naisakatuparan ng mga salitang nagmumula sa Dios ang anumang layunin nito (Isaias 55:11). Ipinahayag ni Isaias na kung papaanong ang ulan at snow ay hindi nakababalik sa itaas hangga’t hindi nakapagpapalago ng halaman at nagbibigay ng binhi at pagkain, gayon din naman ang Kanyang mga salita sa pagtupad sa layunin nito (Tal. 10-11).
Makapagbibigay sa atin ng lakas ng loob ang mga sinabing ito sa Biblia. Kaya naman, magtiwala tayo sa Dios sa tuwing nahaharap tayo sa mahihirap na sitwasyon na gaya ng nangyari kay Lily. Asahan natin na kumikilos ang Dios kahit na hindi natin nakikita ang resulta nito.