Halos 50,000 ektarya ng kakahuyan ang naapektuhan ng sunog sa kagubatan ng Andilla, Spain. Pero sa gitna ng pagkasira, nasa 1,000 puno naman ng sipres ang nanatiling nakatayo dahil sa kakayanan nitong makatagal sa apoy.
Noong panahon naman ng paghahari ni Nebucadnezar, may magkakaibigang nakaligtas mula sa apoy. Tumanggi noon sina Shadrac, Meshac, at Abednego na sumamba sa rebulto na ginawa ni Nebucadnezar. Sinabi nila, “Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay” (Daniel 3:17). Lalong nagalit ang hari sa kanila kaya mas higit na pinainit ang hurno (Tal.19).
Itinapon nga ng mga kawal ang tatlo sa apoy, subalit laking gulat nila nang makita nilang hindi nasusunog ang mga ito at palakad-lakad lamang sa gitna ng apoy. Bukod sa tatlo, ay may nakita pang isang lalaking kasa-kasama nila na parang Anak ng Dios (Tal. 25). Maraming dalubhasa sa Biblia ang naniniwala na ang nakitang isa pang lalaki ay ang kaanyuan ni Jesus.
Kasama rin naman natin si Jesus kapag tayo ay nahaharap sa pagsubok at paghihirap. Sa panahong tayo ay nanghihina, hindi tayo dapat matakot. Hindi man natin alam kung papaano o kailan tayo tutulungan ng Dios, lagi naman natin Siyang kasama. Bibigyan Niya tayo ng katatagan upang manatiling nananampalataya sa Kanya sa anumang sitwasyon ng ating buhay.