Ilang taon na rin nang seryosohin ko ang payo ng aking doktor tungkol sa aking kalusugan. Kaya naman, sinimulan ko ang mag-ehersisyo at kumain nang tama lang para sa aking katawan. Naging maganda ang epekto nito sa akin. Bumababa ang aking timbang, bumuti ang aking kalusugan at tumaas ang tiwala ko sa sarili. Pero mayroong hindi magandang nangyari sa akin. Naging mapanghusga ako sa ibang tao pagdating sa pagpili nila ng pagkain. Para bang likas na sa tao ang magtiwala sa kanyang sariling kakayahan nang sa gayon ay mabigyang katuwiran ang kanyang mga ginagawa.
Nagbigay naman ng babala si Apostol Pablo sa mga taga Filipos tungkol sa maling pagtitiwala. May mga tao kasi na inilalagak ang kanilang tiwala sa mga seremonya o kultura. Sinabi ni Pablo, “Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako” (3:4).
Subalit alam ni Pablo na ang kanyang kaalaman at kakayahan ay basura lamang kumpara sa pagkakilala kay Cristo (Tal. 8). Tanging si Jesus lamang ang tunay na nagmamahal sa atin. Siya ang nagligtas sa atin sa kaparusahan sa kasalanan at nagbibigay sa atin ng kakayahan na magkaroon ng magagandang katangian tulad nang sa Kanya.
Masama ang maging mayabang pero malaking trahedya ang ipagmalaki ang maling pagtitiwala. Hinihikayat tayo ng Biblia na lumayo sa maling pagtitiwala. Sa halip, lumapit sa ating Tagapagligtas na nagmamahal at nag-alay ng sarili para sa atin.