Walang ideya si John Harper at ang anim na taong gulang niyang anak na babae sa mangyayari sa kanila nang sumakay sila sa Titanic. Noong sumalpok ang barko sa yelo at nagsimulang pumasok ang tubig sa barko, kaagad na isinakay ni John ang kanyang anak sa isang bangka upang maligtas ito.
Habang siya naman ay tumulong sagipin ang ibang tao. Maririnig din siyang sumisigaw na: “Unahin ang mga babae, bata at mga hindi pa nagtitiwala kay Jesus na pasakayin sa bangka.” Hanggang sa kanyang huling hininga, ipinapahayag pa rin ni John ang tungkol kay Jesus. Handa si John na ialay ang kanyang buhay para sa iba.
Dalawang libong taon na ang nakaraan, mayroon ding nag-alay ng Kanyang buhay upang ikaw at ako ay mabuhay hindi lamang sa mundo kundi maging sa walang hanggan. Hindi lamang basta naisip ni Jesus na iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Sa halip, iyon mismo ang kanyang misyon. Minsan, habang kausap ni Jesus ang mga lider ng Israelita na nagtuturo ng tungkol sa Dios, makailang ulit Niyang sinabi na “Inialay Ko ang Aking buhay” (Juan 10:11, 15, 17, 18).
Hindi lamang Niya basta sinabi ang mga salitang ito, sa halip, totoong namatay Siya sa krus. Ginawa ito ni Jesus upang ang mga Pariseo, si John Harper at tayo na magtitiwala sa Kanya ay magkaroon ng “buhay na ganap” (Tal.10).